Da Return of da Comeback
- - - - - - - - - - - -
Ni Fidel Rillo
At sa pagbubukas ng tabing ay makikita natin ang ating bida na tahimik at malungkot na naglalakad sa tabing-dagat, nakatanaw sa malayo, inaaninaw ang abot-tanaw na liwanag na pinipilit manatiling buhay sa gitna ng lumalambong na karimlan. Napabungtong-hininga siya. Naaalala niya ang kanyang kabataan. Simula nang siya'y isilang sa isang munting baryo sa isang malayong lalawigan sa kung saang sulok ng bansa. Magsasaka lamang ang kanyang mga magulang, at isang araw ay natagpuan na lamang nilang wala na silang lupang masasaka sapagkat inagaw na ng isang mapagsamantalang propitaryo. Tumimo sa kanyang batang puso ang kapahamakang iyong sinapit ng kanyang pamilya at isinumpa niyang isang araw ay babaligtarin niya ang ikot ng mundo at siya, isang busabos sa balat ng lupa, ay kikilanin ng lahat ng humamak sa kanyang pinagmulan.
Lumisan siya sa bayang sinilangan upang makipagsapalaran sa magulong lungsod. Kailangang limutin niya ang kanyang nakaraan, ang kapahamakang idinulot ng mga mapang-imbot sa kanyang lahi at muling bigyan ng dangal ang kanilang pangalang inilublob ng karukhaan sa kumunoy ng kasawian. Iwinaglit niya sa isip ang kanyang namumuong pag-ibig sa mestisang dalagitang anak ng kanilang propitaryo. Hindi nararapat ang kanyang pagkatao sa puso ng dalaginding. Langit at lupa ang kanilang pagitan.
Natagpuan niya ang sarili sa magulo, marungis na lungsod. Sinikap niyang maghanap ng marangal na hanapbuhay ngunit palagi siyang bigo sa kanyang pagsisikap. Mababa lamang ang kanyang pinag-aralan at walang gustong magtiwala sa kanyang kakayahan. Naging palaboy siya ng lansangan, nakikitira sa mga kubakob ng maraming dukhang tulad niya ay naglipana sa lungsod at dumanas din ng pang-aapi sa kamay ng mga makapangyarihan.
Ngunit nanatiling dakila ang kanyang kalooban sa kabila ng karahasang kanyang nararanasan sa paligid. Pinaghinalaan siyang isang magnanakaw at siya'y magdamag na ginulpi ng mga pulis. Ngunit minsan man ay hindi siya nagtaas ng kamay upang lumaban. Umabot siya ng mura at aglahi mula sa iba't ibang among kanyang pinaglingkuran sapagkat siya'y walang pinag-aralan, ngunit ipinasya niyang maging pipi at bingi sa lahat ng ito. May araw ng kadakilaan ang mahihirap sa daigdig na ito, lagi niyang sinasabi sa sarili at sa kanyang mga kaibigan.
Ngunit isang araw ay umabot na ang lahat sa sukdulan. Biglang-bigla ay hindi na niya matiiis ang paglapastangan na tinatanggap niya mula sa mga may salapi at marurunong. Nagtiim ang kanyang bagang, naisuntok niya ang kamao sa pader, at sa halos nagdidilim niyang isipan ay buong lakas niyang inihiyaw: "Magbabayad kayong lahat!"
At kinabukasan nga ay napahumindig na lamang ang lahat nang masalubong siya sa lansangan, kunot ang noo, matalim ang mata at paulit-ulit na ibinubulong sa sarili: "Tatakbo akong presidente..."
Napanood na natin ito.
At alam na natin ang wakas. Iwawasiwas niya ang tabak ng hustisya at isa-isang babagsak nang duguan ang lahat ng umapi sa kanya: ang propitaryong umagaw sa kanilang lupain at nangako nang nangako ng katubusan para sa kanyang kapatid na dalaga; ang pulis na bumali sa kanyang mga tadyang; ang kunwari'y maginoong humamak sa kawalan niya ng kakayahang bumasa at sumulat; ang negosyanteng halos kumuba sa kanya sa pagtatrabaho; ang pulitikong gumamit sa kanyang hamak na pangalan upang makakuha lamang ng boto; ang abogadang nagsabing hindi siya nararapat sa pagtingin ng sinumang matinong babae. At marami pang itinuturing niyang salot ng lipunan.
Wala, walang namamatay na bida sa pelikulang Pilipino.
Fidel Rillo, freelance writer and book designer, has won several major awards for his poetry, fiction and essays. He is the editor and art director of Sulyap Kultura, a quarterly devoted to Philippine cultural and historical events. He earns his living designing books for major publishers in Manila.