Top Newspapers
INSIDE THEPINOY
Showbiz News
ANC Showbiz
Celeb World
Chismis
Moviestars
PhilMusic
TeenStars
Gossip

thePinoy Coooking
Filipino cooking crosses the culinary lines of its early settlers, the Chinese and the Spanish. Filipinos combine meats, fish, chicken, and noodles in an amazing variety of stews and soups.

Feedback
Tell us what you think of thePinoy

Link up with thePinoy.com

Search
ThePinoy Search


  
This site is best viewed with browsers of version 5 or higher.



Ang Hirap sa Ating Mga Inglisero at Filipinero

- - - - - - - - - - - -
Ni Fidel Rillo

Nangyayari ang ganitong sitwasyon taon-taon tuwing dumarating ang Agosto. Sapagkat buwan ng wikang pambansa (Filipino o Pilipino), asahang kahit papaano ay mag-uukol ng kaunting pansin at panahon ang mga institusyon upang "ipagdiwang" ang bagay na ito. Mula sa mga eskuwelahan hanggang sa mga opisina ng gobyerno at mga pribadong organisasyon, panahon ito ng panandaliang pagtalikod sa Ingles at pagharap sa Filipino.

Kadalasang nagiging katawa-tawa o kalungkot-lungkot ang mga nagaganap sa ganitong pagkakataon. Sa mga eskuwelahan, halimbawa, karaniwang nagiging tampok na palabas ang pagpaparada sa mga bata na nakagayak sa mga tradisyunal na kasuotang Filipino upang bumigkas ng mga inaamag na tula mula kina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Sa mga opisinang pribado at publiko naman, hinihimok ang lahat na magsalita at magsulat ng mga opisyal na komunikasyon sa pamamagitan ng wikang ito. May mga programa na ang paksa ay ang pagmamahal at pagtataguyod sa wikang pambansa. Nakakukulili sa mga ganitong sitwasyon ang paulit-ulit na pagbanggit sa mga "dakilang linya" ng isang tula ni Jose Rizal tungkol sa wika, hayop at malansang isda. Pipilitin ng lahat na tumbasan ng mga salitang Filipino ang mga espesyalisadong termino na ginagamit sa iba't ibang larangan.

Sa mga opisinang ang trabaho ay accounting, halimbawa, maghahanap sila ng mga salitang magiging katumbas ng "fixed assets," "liquid assets" at kung ano-ano pa. Ang natural na kinauuwian ng mga ganitong pagpipilit ay mga nakatatawang terminong karaniwan ay may reperensiyang seksuwal.

Nagiging komplikado naman ang pihit ng pangyayari kapag nahahaluan ng mga opisyal na pahayag. Ganito ang masaklap na sitwasyon nang birahin ng mga kritiko ang pahayag ni Presidente Joseph Estrada na palaganapin sa mga opisyal na komunikasyon ng gobyerno ang Filipino bilang opisyal na lengguwahe. Nagtatarang sa galit ang mga Inglesero at binansagan ang pahayag ni Erap bilang isang mortal na kasalanan.

Walang kapasidad, anila, ang Filipino na ipahayag ang malalalim na konsepto sa Ingles. Pahihirapin umano nito ang pagkakaintindihan ng mga Pinoy na nahahati sa iba't ibang wika sa buong kapuluan. Paaatrasin din daw ng ganitong hangarin ang matagal nang bentahe ng mga Filipino na makipagtalastasan sa mundo sa pamamagitan ng Ingles, isang kalamangang wala ang ibang bansa, kabilang na ang Japan.

Tulad ng dati, sabit na naman ang argumento ng mga Inglesero. Wala, halimbawa, sa pahayag ni Estrada, ang anumang banggit tungkol sa pagtatakwil sa Ingles at ang ganap na paghahalili sa Filipino. Ang katotohanan nga ay walang bago sa kanyang sinasabi sapagkat ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng isang "wikang pambansa" o ng Filipino ay nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.

Pero magandang pagkakataon nga naman ang sinabi ni Erap para makapagbunganga ang mga kritiko ng wikang Filipino at maipahayag ang kanilang walang kupas na pagmamahal sa Ingles bilang wika sa mga intelektuwal na usapan. Hanggang ngayon ay ayaw nilang harapin ang katotohanan.

Unang-una, bagama't totoong sa Tagalog nakabatay ang Filipino, kailangan ang ganitong pagsasalig upang magkaroon ng pundasyon ang anumang pagpapaunlad sa isang wikang pambansa. Ginagawa ito ng lahat ng bansang may tunay na hangaring makapagbuo ng isang patakaran tungkol sa wikang pambansa. Salamat sa teknolohiya ng mass communication, ang Tagalog (huwag na tayong maglokohan pa) ay naiintidihan at sinasalita ng mga tao sa buong bansa, anuman ang sabihin ng ilang opisyal ng Cebu.

Ikalawa, hindi nangangahulugan na ang pagpapalaganap sa isang wikang pambansa ay nangangahulugan ng pagpatay sa Ingles. Importanteng bahagi na ng buhay ng mga Filipino ang lengguwaheng ito at anumang kasanayan ang nakamit sa paggamit nito ay dapat ipagpatuloy, kahit pa nga sabihing ang tanging bentaheng nakukuha natin dito ay ang patuloy na pag-agas ng mga manggagawang Filipino papunta sa ibang bansa para makapagtrabaho bilang katulong.

Ang totoo'y hindi na dapat pinag-aaksayahan pa ng laway ang isyung ito. Umuunlad ang wika kapag patuloy itong ginagamit sa iba't ibang larangan. Anumang maliit na pagtatangkang itaguyod ito ay dagdag na kalamangang nagkakaroon ng natural na buhay sapagkat natututuhan ng bagong henerasyon. Hindi ito maaaring idaan sa dakdakan ng mga kongresista, halimbawa, na ang pagmamahal sa Ingles ay madalas na ipahayag sa kanilang malalapot at karumal-dumal na punto.

Sa kabilang dako'y dapat ding paalalahanan ang ilang "Filipinero" (kabilang na ang ilang manunulat) na dahil naman sa kakitiran ng pangwikang interes ay patuloy na nagpipilit patayin ang Ingles. Kaya nagpapatuloy ang sigalot ay dahil na rin sa itim-at-puting pagbatikos ng mga "Filipinerong" ito sa Ingles at paniniwalang Filipino lamang ang dapat na maging wika ng mga Filipino.

Walang kauuwian ang ganitong balitaktakan. Patuloy ang mga mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipagbakbakan sa mga usaping pangkabuhayan at panlipunan. Sa anumang lengguwahe nila ipahayag ang kanilang galit, tuwa, lungkot at iba pang damdamin, tiyak na mabubuo ang tinatawag na lunggati. Ang lunggating ito ang patuloy na huhubog sa kultural na aspekto ng kanyang pag-iral at magtuturo ng kanyang dapat kalagyan sa mga darating na panahon.


Fidel Rillo, freelance writer and book designer, has won several major awards for his poetry, fiction and essays. He is the editor and art director of Sulyap Kultura, a quarterly devoted to Philippine cultural and historical events. He earns his living designing books for major publishers in Manila.

free@thepinoy.com
ASX100STIHang SengJASDAQNIK 225PSE 100NASDAQDJIA


Look up
a stock quote
(Enter symbol)

  Get quote!


Search | the internet | Live Broadcast.| Contact Us

Copyright © 2000 thePinoy.com
About thePinoy.com |
Partners | Contact Us | Advertising information
Investor Relations | User Agreement