Negosyerap!
- - - - - - - - - - - -
Ni Fidel Rillo
Matagal, mga ilang araw ding hindi makapagkatulog si Inocencio. Iniisip niya kung paano sasabihin sa asawa ang balak na matagal nang nagtatampisaw sa kanyang isip. Siguradong magagalit ang kanyang asawa. Siguradong sasalubungin siya ng sigaw at iyak kung malalaman ang kanyang iniisip.
Pero nakapagpasya na si Inocencio. At isang umaga nga, habang nagpapahid ng mantekilya sa pandesal ang kanyang asawa, biglang nagkalakas ng loob si Inocencio na isiwalat ang matagal nang binabalak. At tulad ng kanyang inaasahan, sigaw at iyak nga ang kanyang tinanggap.
"Anong ibig mong sabihing magre-resign ka sa trabaho para magnegosyo?" nakapamewang na urirat ng kanyang asawa. "Aba naman, Inocencio, keganda-ganda ng trabaho mo e, lalayasan mo para lang magnegosyo. E paano kung malugi ka? Saan tayo kukuha ng lalamunin? Saan tayo kukuha ng pambayad sa apartment? Saan tayo kukuha ng pangmatrikula ng mga anak mo?" Etsetera! Etsetera!
Natamilmil sa pagkain si Inocencio, parang maiiyak, parang magwawala, parang gustong pumasok sa comfort room, parang gustong magtatakbo sa labas ng bahay. Pero napaghandaan na niya ito, naisip n'ya. Kailangang makapagpaliwanag siya sa asawa.
At naglitanya na nga si Inocencio. Sinimulan n'ya sa hirap ng trababo sa pinapasukan niyang opisina. Sampung taon nang administrative assistant si Inocencio sa isang stock brokerage sa Makati. At sa loob ng nakaraang 10 taong ginawa ng Diyos, kahit minsan ay hindi umangat ng posisyon sa trabaho ang pobre. Dumating at umalis sa kanilang opisina ang marami-rami na ring propesyonal-na ang karamihan ay higit na bata sa kanya-pero heto pa rin siya at gumaganap ng mga trabahong pinagsama-samang sekretaryo, klerk, mensahero, janitor at kung anu-ano pang trabahong maibigay sa kanya ng mga bosyong ayaw na ayaw makakita ng empleyadong nababakante sa trabaho.
Pero hindi lang ito ang ipinagsisintir ng pobre. Para sa kanya, higit na nakakabuwisit ang araw-araw na paggising sa madaling araw para makapasok nang maaga sa opisina. Araw-araw ay napapansin niya ang pasikip na pasikip na takbo ng trapiko at ang pahaba nang pahabang oras ng na sinasayang niya sa pagbibiyahe mula sa kanilang bahay sa Lagro, Quezon City, papunta sa kanilang opisina sa Makati. Sabihin pa'y pagod na pagod lagi si Inocencio tuwing umuuwi sa gabi, isang bagay na nakakasira sa maraming diskarte, halimbawa'y ng kanilang relasyong mag-asawa.
Natatakot na rin si Inocencio sa itinatakbo ng ekonomya ng bansa. Napapansin niyang unti-unting nababawasan ang mga yuppie sa kanilang opisina, isang pangyayaring dala ng pabulusok na takbo ng stock exchange. Iniisip niyang kahit regular na siya sa trabaho ay delikado pa rin ang kanyang lagay. Paano kung biglang magsara ang kanilang opisina dahil sa kawalan ng parokyano?
Sa kabilang banda'y patuloy siyang nagagayuma sa kuwento ng mga dating kaopisina at kaibigan na nakaisip magbitiw sa trabaho para ika nga'y magsarili. Negosyo ang susi sa lahat. Entrepreneurship. Ito ang madalas niyang marinig sa mga taong nakapalibot sa kanya. At naaalala niya si Victor na dating kaopisina pero nag-resign para pumartner sa isang maliit na real estate brokerage. Kumita nang husto ang kumag nang magkaroon ng construction boom sa bansa, at kabi-kabila ang naibenta nitong condo at townhouse. Biglang yaman, nakabili na si Victor ng sariling bahay sa Fairview, nagmamaneho ng modelong kotse at halos gabi-gabi sa Pegasus. At isiping halos pareho lang sila ni Victor nang magsimula silang magtrabaho.
Suwerte rin ang inabot ni Annie, dating sekretarya sa kanilang opisina. Nahimok ito ng boyfriend na i-withdraw ang lahat ng naipon sa bangko para isosyo sa isang maliit na gotohan sa Project 6. Pumatok ang negosyo ng dalawa, nagtayo ng dalawa pang branches sa mga lugar na malapit sa palengke at huling balita niya'y nakakuha pa ng franchise sa lotto at off-track betting.
Pagtitinda ng mga kalderong pangmayaman naman ang naisip na negosyo ni Ompong, isang dating kaklase sa kolehiyo na noong panahon ng martial law ay nag-underground. Nagamit ni Ompong ang pagiging mabokang aktibista, at ayon sa kuwento kay Inocencio ay kumikita ng mahigit diyes mil isang araw bilang komisyon sa mga naibebentang kaldero.
Kalmado na ang asawa nang matapos makapagpaghayag ng posisyon si Inocencio. Napansin niya habang nagsasalita na patango-tango na ang asawa sa kanyang mga inilalahad na argumento para kanyang naiisip na career move. Tagumpay! Naglalaro na naman ang kanyang isip.
"E, anong negosyo naman ang gusto mong pasukin?" Walang anu-ano'y biglang tanong ng asawa. At bigla ring napamaang si Inocencio, parang natuklaw ng ahas at matagal na nag-isip. Oo nga pala, anong negosyo ang papasukin niya?
Ano nga bang negosyo ang papasukin ni Inocencio? Lechon manok? Hot pandesal? Shawarma? Lotto? Car wash? Abangan ang susunod na kabanata
Next
page |
Ang
Susunod na Kabanata
Fidel Rillo, freelance writer and book designer, has won several major awards for his poetry, fiction and essays. He is the editor and art director of Sulyap Kultura, a quarterly devoted to Philippine cultural and historical events. He earns his living designing books for major publishers in Manila.