Koyang's Korner
Dalawang Guhit
- - - - - - - - - - - -
Ni Jess Santiago
"Dalawang guhit po," nahihiyang sabi
ng aleng pumila upang makabili.
Tindera'y nagulat sa kanyang narinig
pero pagkabigla'y itinagong pilit.
"Ilang kilo 'ka n'yo?" ang sukli niyang tanong.
"Dalawang guhit po," ang pamuling tugon,
sabay sa pag-abot ng dalawang piso't
otsenta sentimos na eksaktong presyo.
"Kilo-kilo lang po kung kami'y magbenta,"
ang nag-aalangang sabi ng tindera.
"Di po namin kaya. Hindi po ba pwede
ang dalawang guhit?" ang pakli ng ale.
Tindera'y yumuko, dumampot ng supot,
tumakal ng bigas, saka iniabot
sa kamay ng ale: "'Wag n'yo nang bayaran.
Ako na'ng bahala. Regalo ko ho 'yan."
Tuwang-tuwang nahihiyang naiiyak
"Maraming salamat. Preys da lord. Salamat."
Wari'y isang sanggol na pinaiidlip
niyapos ng ale ang dalawang guhit.
Nilisan ng ale ang mahabang pila
habang umiiling-iling ang tindera:
"Dalawang guhit lang na mailulugaw
laking pasalamat nitong pobreng ginang
gayong sa NFA, barko-barkong bigas
tone-toneladang mais, dinudugas.
Wala kang marinig kahit isang 'tengkyu'
mula sa kawatang lider ng gobyerno."
Usapang Kanto #1
Kung pupwede nga lang bumili sa dyaryo
Makakatipid ka sa baba ng presyo.
Sa dyaryo'y palaging merong NFA rice
Pero sa palengke'y walang NFA price.
Aedes Aegypti
Ang simula'y lagnat na pabalik-balik at nakaririndi
Na sakit ng ulo at kasukasuan, saka pangangati
Ng braso o binti. Ito'y mga tanda ng sakit na dengue
Na dulot ng kagat sa araw ng lamok na Aedes aegypti.
Pag di naagapan, dudugo ang ilong at pati gilagid,
Sasagad ang baba ng presyon ng dugo. Dengue hemorragic
Fever na ang tawag kapag nagkagayon. Ito ang mabagsik,
Lubhang mapanganib, kaya kayrami nang matang pinatirik.
Tunghan ang balita: Nitong nakalipas na may walong buwan,
May walong libo nang bata at matanda ang naoospital.
Sa bilang na ito'y halos dos syentos na ang nangamamatay.
Tiyak pang darami ang mabibiktima pagdating ng ulan.
Pero sa kabila ng ganyan kagrabeng sitwasyon sa bansa
Ang Department of Health ay pabandying-bandying, walang ginagawa.
Ni hindi man lamang nila ideklarang epidemya na nga
Ang sakit na itong sa kayraming tao ay sumasalanta.
Taon-taon na lang, tayo'y laging merong dengue epidemic
Kasi'y patay-patay ang mga opisyal nitong health department.
Hinihintay munang sitwasyo'y lumala, saka magpapanic:
Kabayo'y patay na saka lang tatabas ng damo sa bukid.
Ang inuuna pa ay pagbyahe-byahe sa kung saan-saan
Para lang maglunsad ng ibang kampanyang ningas kugon naman
O kaya ay mag-guest of honor sa isang programang sosyalan
Sa halip harapin ang banta't panganib sa lusog ng bayan.
Merong epidemya pero wala pa ring ginagawang aksyon;
Di man lang mag-utos, kahit pakunswelo, na mag-fumigation.
Oo nga't DOH ay palaging laman ng balita ngayon
Pero ang balita'y tungkol sa agawan nila sa posisyon.
Usapang Kanto #2
Kakatwa ang ulo ng isang balita.
DOH nag-isyu ng isang babala:
Merong pesteng lamok na pagala-gala,
Nakahelikopter, magarang-magara.
Si Jess Santiago ay isang makata, kompositor at mang-aawit. Nakatanggap siya ng mga premyo mula sa Palanca at Cultural Center of the Philippines literary contests. Dalawang ulit siyang tinanghal na "Makata ng Taon" ng Surian (ngayo'y Komisyon) ng Wikang Pambansa. Nakapaglabas na siya ng dalawang koleksiyon ng mga awit at isang aklat ng mga tula.