Koyang's Korner
- - - - - - - - - - - -
Ni Jess Santiago
KASTILYONG PULBURON
Malay siya sa malignong gumagala ngayon
At patuloy naghahasik ng lagim sa rehiyon.
Halimaw na haring walang pinapanginoon
Ang akala'y mabubuhay nang habang panahon;
Trono't setro'y instrumentong panlipol sa tutol.
Hibang at di maunawa ang sariwa pang leksiyon:
Imperyo't kastilyong itinindig sa pulburon
Relikyang pamana ng babagsak na diktador.
DISIPLINYA
Sino ang maysabing tayong Pilipino'y walang disiplina?
Buksan mo ang mata't sa lahat ng dako'y iyong makikita:
Sa gusto't sa hindi, ang disiplinadong Pinoy nakapila.
May pila sa lotto, may pila sa bangko, pila sa grocery;
May pila sa FX, pila sa traysikel, at pila sa dyipni;
May pila sa bigas, may pila sa poso, at pila sa sine.
Subuking pumunta sa isang tanggapan ng ating gobyerno.
Lalo't ang tanggapa'y serbisyo publiko, maaasahan mo
Na pila'y kay haba at namumuwalan pati ang pasilyo.
Kaya komentaryo ng isang kumpareng sa pila'y nabanas:
Puro pila din lang ang gawa ng tao, ang dapat itawag
Sa bayan ng Pinoy, upang maging angkop, gawing Pilapinas.
USAPANG KANTO #3
Mga bata'y pagbawalang magpalipad sa bubong
Kahit ang saranggola ay sapi-sapi o guryon
Pagkat laging masungit at marahas ang panahon
Sangkaterba ang pulis na walang magawa ngayon.
USAPANG KANTO #4
May barkong lumubog
Ang PAL ay tumiklop
Sa Expo'y umurong
Dengue'y lumaganap
"We are under control,"
Ang sabi ni Erap.
Si Jess Santiago ay isang makata, kompositor at mang-aawit. Nakatanggap siya ng mga premyo mula sa Palanca at Cultural Center of the Philippines literary contests. Dalawang ulit siyang tinanghal na "Makata ng Taon" ng Surian (ngayo'y Komisyon) ng Wikang Pambansa. Nakapaglabas na siya ng dalawang koleksiyon ng mga awit at isang aklat ng mga tula.